MEMBER LOGIN





Informal workers o mga walang permanenteng kita, tatamaan ng TRAIN law

from December 20, 2017 01:00 am to December 20, 2017 01:00 am

http://www.gmanetwork.com/news/news/ulatfilipino/637105/informal-workers-o-mga-walang-permanenteng-kita-tatamaan-ng-train-law/story/

 

Ganap nang batas matapos pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill.  Bagaman inaasahan na makikinabang dito ang mga minimum wage worker, pasakit naman daw ang hatid nito sa mga informal worker o ang mga walang tiyak at permanenteng kita.

Sa ilalim ng TRAIN law, magiging libre na sa income tax simula January 1, 2018 ang mga manggagawang kumikita ng P250,000 sa loob ng isang taon.

Gayunman, inaasahan naman tataas ang ilang bilihin at serbisyo dahil sa ipapatong na singil sa buwis tulad ng excise tax sa coal na ginagamit sa kuryente, produktong petrolyo at ilang matatamis na inumin.

Sa ulat ni Tricia Zafra sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, isa sa mga halimbawa ng informal worker si  Anna Sayson, na kumakayod bilang street sweeper sa umaga at kasambahay sa hapon mula Lunes hanggang Sabado. Pagdating sa Linggo, rumaraket naman siya bilang labandera.

Sa kabila nito, umaabot lang sa P3,200 kada buwan ang kaniyang kita. At dahil wala naman siyang binabayarang income tax, hindi niya mapakikinabangan ang probisyon sa TRAIN.

Sa halip, papasanin ng mga katulad niya ang inaasahang dagdag na presyo sa mga serbisyo at bilihin.

"Nag-ipon ako kahit P50 a day para lang mai-provide yung pangangailangan ng mga bata," sabi niya.

Sa datos ng Associated Labor Unions-Trade Union of the Philippines, tinatayang 15.6 milyon ang mga manggagawang tulad ni Sayson na walang tiyak at permanenteng kita.

"Sila yung pinakamatatamaan dito dahil sila yung mga manggagawang maliit ang sahod," sabi ni Alan Tanjusay, policy advocacy officer ng ALU-TUCP.

Si Joel Macabinguil, isang minimum wage earner, bagaman dati nang exempted sa income tax dahil kasama siya sa mga kumikita ng P250,000 pababa kada taon, naniniwalang maapektuhan din siya ng bagong batas sa buwis.

Maging si Ronald Lope na makukuha nang buo ang P18,000 na buwanang suweldo, aminadong mababalewala ang sahod na 'di mabubuwisan dahil mapupunta naman sa dagdag na presyo ng mga bilihin.

"Hindi nga mababawasan suweldo namin, doon naman binawi sa mga bilihin. 'Di ganon din maam," sabi niya.

Ayon sa pamahalaan, may nakahanda namang tulong sa 10 milyong pamilya mula sa informal sector sa pamamagitan ng ibibigay na P200 kada buwan na ayuda sa kanila simula 2018.

Ang naturang ayuda ay tataas pa umano sa P300 sa 2019 at 2020.

Mayroon ding discount vouchers para naman sa mga jeepney driver sa ilalim ng TRAIN.

"We have provided for mitigation 'no, realizing that the poorest of the poor would need some kind of assistance as a result of TRAIN." sabi ni presidential spokesman Harry Roque. "We already have the infrastructure because of the conditional cash transfer under the DSWD [Department of Social Welfare and Development]." -- FRJ, GMA News