MEMBER LOGIN





P500 buwanang ayuda sa kumikita ng minimum wage, inaaral na

from February 15, 2018 01:00 am to February 15, 2018 01:00 am

http://news.abs-cbn.com/business/02/14/18/p500-buwanang-ayuda-sa-kumikita-ng-minimum-wage-inaaral-na

Pinag-aaralan na ng isang grupo ng manggagawa, kasama ng ilang ahensiya ng gobyerno, ang pagbibigay ng P500 buwanang ayuda sa mga manggagawang sumasahod ng minimum wage para makaagapay sila sa epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN.)

Ayon sa Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na busisiin ang pagbibigay ng subsidyo para sa mga empleyadong sapul ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo bunsod ng TRAIN.

Ayon sa ALU-TUCP, Nasa 4 milyon ang minimum wage earners na miyembro ng Social Security System (SSS).

Kung bibigyan lahat ng P500 na subsidyo kada buwan, mangangailangan ang gobyerno ng pondong P2 bilyon kada buwan o katumbas ng P24 bilyon kada taon.

Pero giit ng grupo, di ito dapat ituring na pabigat sa kaban ng gobyerno.

Nabawasan na kasi ang purchasing power o ang kayang mabili ng minimum wage sa buong bansa dahil sa pagmahal ng bilihin at serbisyo.

Sa Metro Manila halimbawa, ang P512 na minimum wage, ay halos P357.29 na lang daw ang halagang kayang bilhin dahil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin gayundin ang mga gastusin, ayon sa ALU-TUCP.

Nasa P235 na rin lang ang purchasing power ng P366 na minimum wage sa Cebu; habang P207 na lang ang tunay na halaga raw ng P340 na minimum wage sa Davao City.

Umaasa ang ALU-TUCP na maglalabas ng direktiba si Duterte para sa P500 buwanang subsidyo kasabay ng Labor Day.

Nauna nang sinabi ng NEDA na kailangang araling mabuti ang panukalang P500 buwanang ayuda sa minimum wage earners.

Makaaapekto kasi ito sa nakalaang pera ng bansa para sa impraestraktura at iba pang programa ng gobyerno, ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia. 

"It's going to hit the revenue-generation side of government and we need a lot of revenue for our investment program, our 'Build, Build, Build' program," sabi ni Pernia sa isang panayam kamakailan.

Noon lamang Oktubre, ipinatupad ang P21 umento para sa mga sumasahod ng minimum wage sa pribadong sektor sa Metro Manila.