MEMBER LOGIN





Failon Ngayon: 710 minimum wage

from May 5, 2019 01:00 am to May 5, 2019 01:00 am

 

https://news.abs-cbn.com/news/05/05/19/failon-ngayon-710-minimum-wage

 “Kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot.” Ito nga ang kasabihan ng mga matatanda sa kung papaano dapat pagkasyahin ang iyong limitadong budyet.

 

Kaya naman ang janitress na si nanay Marlyn, aba’y lahat ng klase ng pagtitipid ay kaniya na raw ginagawa. Todo kayod silang mag-asawa sa pagtatrabaho. Sa kita nilang P512 kada araw, nakapag-uuwi sila kada buwan ng P20,000.

Noong nakaraang buwan, naglabas ang Philippine Statistics Authority ng datos para sa taong 2018 kung magkano ang kakailanganin ng isang pamilyang may 5 miyembro para makaraos sa isang buwan.

Ayon sa kanilang pananaliksik, P10,481 ang kakailanganin para matugunan ang basic food at non-food requirement ng pamilya. Kung may 20 araw ng paggawa sa isang buwan, lumalabas na ang P10,481 pesos na ito ay katumbas lang halos ng minimum wage sa Metro Manila na 524.05 pesos.

Marami nga ang umalma sa inilabas na numerong ito ng Philippine Statistics Authority. Ayon kay nanay Marlyn, 2 anak pa lang ang meron sila at 2 na silang nagtatrabahong mag-asawa pero hindi pa rin umaabot ang kanilang sweldo.

Sa pag-aaral ng Ibon Foundation, higit P23,000 ang totoong kailangan ng isang pamilya para mabuhay sa panahon ngayon. 

Ayon kay Ms. Rosario Bella Guzman ng Ibon Foundation: “Dalawang dekada ng gumamit ang Wage Board ng family living wage, magandang konsepto ’yun kasi kinukuha niya ’yung food, non-food expenses tapos dinadagdagan pa niya ng 10 percent na dapat meron din siyang naipon. Hindi na ginagamit ng gobyerno ang konsepto na ito kaya ang ginawa ng Ibon, ipinagpatuloy niya, in-adjust ang kasalukuyang inflation at katotohanan ng ating kinabubuhay natin, kaya sa tingin namin sa National Capital Region ay mangangailangan ang isang pamilya na meron 5 miyembro ng P1,004 para mabuhay ng disente. Sa isang buwan mga P25,000 hanggang P30,000 na hawak ng pamilya ay sapat na sa gastusin.”

May problema nga raw ang Ibon Foundation sa ginawang pagtutuos ng PSA. Dagdag ni Guzman: “Unang problema ang methodology ay least cost. Ibig sabihan ang pamilya na kumain ng pinakamura ’yun ang nilagay nila sa menu sa pinaka-sukatan ng kahirapan. Natural mababa ’yun. Halos subsistence ’yung kung baga makaagapay lang. May pagkain d’yan para mabusog ka as basic requirement ng dietary allowance, all social services, kalusugan, edukasyon, pabahay, utilities, transportasyon, communication, at ipon. Ganun ’yung umaapaw na basket sana pero pinagkakasya tayo sa P10,000 na hindi naman makatotohanan.”

Kaya ang grupong Trade Union Congress of the Philippines, isinusulong ang mas mataas na minimum wage sa mga manggagawa para makasunod naman daw sa totoong presyuhan ng mga pangangailangan sa bahay.

Magiging mahirap nga raw para sa mga employers na magbigay ng malaking umento sa sahod ayon sa Philippine Chamber of Commerce Industry. Ayon kay Mr. Alegria Limjuco, presidente ng PCCI: “Kapag tinaas ang minimum wage lahat ng tao apektado. Magkakaron ng inflation at maraming mawawalan ng trabaho. Ang mga minimum-wage earners naman sila ’yung mga entry level. Sila direktang apektado. Saka meron naman annual increase base on their performance.”

Para sa Palasyo, diringgin pa rin naman daw ito ng mga wage board sa bansa kung karapat-dapat talagang ibigay.

Isa nga itong suntok sa buwan para sa mga manggagawang Pilipino na magkaroon ng taas-sweldo pero kailangan daw itong marinig ng gobyerno. Kailangan daw malaman ng gobyerno na ito ang nararapat na sahod para sa kanila.

___

Sa mga isyung lahat tayo may pakialam, manood na ng FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng “Pinoy Brother Otso” alas-11 ng gabi sa ABS-CBN. 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas-2 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph